Isang ipo-ipo ang namataan sa Albay Gulf sa Legazpi City.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing tumagal ang ipo-ipo ng dalawang minuto bago sundan ng malakas na pag-ulan.
Nakita rin ang ipo-ipo sa iba't ibang bayan sa ikalawang distrito ng lalawigan.
Samantala, naranasan ang ulan na may kasamang yelo sa ilang lugar sa Bulacan nitong Biyernes, kabilang na ang Sta. Maria.
Tumagal ang pag-ulan ng yelo hanggang 20 minuto.
Naranasan din ang pag-ulan ng yelo sa Norzagaray.
Nakaranas din ng malakas na pag-ulan ang Caloocan at Quezon City nitong Sabado dahil sa localized thunderstorm.
Inaasahan sa Linggo ang pag-ulan sa Metro Manila sa hapon o sa gabi, pati na rin sa ibang bahagi ng Luzon, ayon sa MetraWeather.
Buong araw naman ang tsansa ng pag-ulan sa Bicol region.
Sa hapon at gabi aasahang uulanin ang Visayas at Mindanao. — Jamil Santos/DVM, GMA News