Sugatan ang 12 katao na sakay ng isang pampasaherong jeepney sa Laguna nang masalpok sa likuran ng isang truck. Ang jeep, hindi maayos ang pagparada nang tumigil para magsakay ng pasahero.
Sa ulat ni Emil Sumangol sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Maharlika Highway sa Barangay San Nicolas sa San Pablo City nitong Huwebes ng umaga.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagtigil ng jeepney sa mismong pedestrian lane at hindi nakatabi sa kalsada para magsakay ng pasahero.
Maya-maya lang, dalawang magkasunod na truck ang muntikan nang mahagip ang jeep pero nagagawang makaiwas.
Pero ang ikatlong truck, tuluyang natumbok sa likod ang jeep at hindi na nakaiwas dahil may kasabay itong truck din.
Kaagad naman nakapreso ang truck pero sa lakas ng pagkakasalpok ay umusad pa ang jeep ng ilang metro bago tumama sa poste.
Isang pasahero rin na nasa estribo ang tumilapon palabas ng jeep. Nagawa naman niyang makagapang papunta sa gilid ng kalsada.
Nasugatan ang 12 sakay ng jeep na pawang nakaligtas naman.
Ayon kay Police Lt. Col. Gary Alegre, hepe ng San Pablo Police, aminado ang driver ng truck na mayroon siyang pagkakamali sa nangyaring sakuna.
Sinagot naman ng may-ari ng truck ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot sa mga nasaktan.
Pero payo ni Dong Fullo ng San Pablo Public Forum, hindi dapat sumakay ang mga pasahero sa jeepney kung nasa gitna ito tumigil dahil malalagay siya sa mapanganib. --FRJ, GMA News