Limang hinihinalang miyembro ng isang hijacking group ang napatay matapos makipagbarilan umano sa mga pulis sa Tuba, Benguet. Ang dalawa sa mga napatay, nakasuot ng uniporme ng pulis.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkoles, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na isang 10-wheeler wing van na naghakot ng gulay sa Benguet Agri Pinoy Trading post sa La Trinidad ang tinangay ng mga suspek.
Hindi naman sinaktan at pinakawalan nila ang driver ng truck na siyang nagsumbong sa pulisya sa nangyaring hijacking.
Matapos matanggap ang impormasyon mula sa driver, naglatag ng dragnet operation ang mga pulis hanggang sa makita nila ang truck na may naka-escort na SUV.
Pero nang parahin umano ng mga pulis ang SUV at ang truck, nagpaputok umano ang mga sakay nito kaya gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinasawi ng limang suspek.
Dalawa sa mga nasawi ang nakasuot ng uniporme ng pulis pero inaalam pa kung tunay silang mga pulis.
Bukod sa mga baril, may nakuha rin sa mga suspek na dalawang ID na nagpapakilalang pulis at isang ID ng National Bureau of Investigation.
Aalamin pa ng mga imbestigador kung totoo ang mga ID, at ang tunay na pagkatao ng mga napatay.
Palaisipan naman sa mga awtoridad kung bakit tinangay ng mga suspek ang truck dahil wala na itong kargang mga gulay.--FRJ, GMA News