Dalawang katao ang sugatan matapos manalasa ang isang ipo-ipo sa mga kabahayan sa pampang sa Olutanga, Zamboanga Sibugay.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita sa video na kuha noong Linggo dakong 10:00 am na madilim na kalangitan sa bahagi ng dalampasigan sa Olutanga.
Hindi nagtagal, nakaramdam ng takot ang mga residente dahil sa nabuong ipo-ipo o water spout.
Maya-maya pa, makikita na dinadaanan na ng ipo-ipo ang ilang kabahayan sa pampang, hanggang sa mabaklas na, tumilapon, at nagpasirko-sirko ang ilang bahagi mga mga bahay tulad ng bubong na yero.
Pagkaraan ng ipo-ipo, makikita ang mga pinsalang idinulot nito.
"May mga bahay na naapektuhan, bale 10 lahat pero slightly damaged lang. Mayroon namang totally damaged, light materials lang kasi 'yung mga gawang bahay du'n. Totally damaged is apat," sabi ni Michael Cubrilla ng Olutanga MDRRMO.
Sugatan ang dalawang residente matapos ang pananalasa ng ipo-ipo, pero hindi naman malubha ang kanilang tinamo.
Ito aniya ang kauna-unahang water spout na nakita at naranasan ng mga tao sa lugar.
Sinabi ng PAGASA na naglabas ito ng heavy rainfall at severe thunderstorm warning sa lugar noong Linggo ng umaga.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News