Tinambangan at pinagbabaril ang isang babaeng public school teacher sa Sariaya, Quezon. Ang salarin na riding in tandem, nakatakas.
Sa ulat ng Sariaya Municipal Police Station, kinilala ang biktima na si Marilou Lagaya, 48-anyos, elementary teacher, at residente ng Barangay Manggalang 1.
Pauwi na umano ang biktima at sakay ng motorsiklo na minamaneho ng kaniyang pinsan nang mangyari ang pananambang.
Pitong tama ng bala ng baril ang tinamo ni Lagaya, habang nakaligtas naman ang kaniyang pinsan.
Hinihinala ng mga awtoridad na pinagplanuhan ng mga salarin ang pagpatay sa biktima dahil pinag-aralan umano ang daanan na walang CCTV.
Wala namang maisip ang mga kaanak ni Lagaya na posibleng motibo para patayin ang biktima, na inilarawan nilang mabait at masayahin.
Nagluluksa rin ang mga kasamahang guro ni Lagaya na kasama ng pamilya ng biktima na nananawagan ng hustisya sa kaniyang sinapit.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para mahuli ang mga salarin.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News