Arestado ang isang propesor sa unibersidad sa Pangasinan matapos niyang singilin umano ng libo-libong pera ang kaniyang mga estudyante kapalit ng pasado nilang grado.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV Balitang Amianan, sinabing hinuli ang propesor, na isa ring doktor, noong Lunes ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa reklamong robbery-extortion.
Paiimbestigahan ng Commission on Higher Education - Region 1 ang propesor.
"Upon learning the incident, we immediately contacted the institution and the President assured our office that she will create a fact finding committee to immediately investigate," pahayag ni Dr. Danilo Bose, Acting Chief, Information Office, CHED-1.
Isang investigating committee ang binuo na rin ng Philippine Medical Society - Pangasinan Chapter para tutukan ang kasong kinahaharap ng doktor.
"Due process naman para fair naman sa kaniya. Iaakyat 'yan sa taas, pati sa PRC. Medyo maselan ang kasong 'yan," sabi ni Dr. Jovito Rivera, President ng Philippine Medical Society - Pangasinan Chapter.
Itinanggi naman ng propesor na naniningil siya ng pera para ipasa ang mga estudyante.
"These students are trying to bribe me kasi sabi nila bumabagsak daw sila. Ngayon, this one student, she was trying to give some money... I have to face kasi wala naman akong magagawa," anang propesor.
Nauna nang inilahad ng NBI na nasa P35,000 hanggang P40,000 ang singil ng suspek para ipasa ang marka ng kaniyang mga mag-aaral.
Hinikayat naman ng mga awtoridad na magsumbong at magsampa ng reklamo ang iba pang estudyante na nabiktima ng propesor. —LBG, GMA News