Dahil umano sa problema sa pag-iisip at nanakit pa kung minsan, napilitan ang mga magulang na ikulong ang kanilang anak na lalaki sa San Francisco, Quezon.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, makikita ang 28-anyos na lalaki sa loob ng kaniyang kulungan na nakapuwesto sa isang liblib na bahagi ng naturang bayan.
Sa nakalipas na halos limang taon, ito na ang nagsilbi niyang tirahan, paliguan, at doon na rin siya kumakain at natutulog.
May mga pagkakataon na nananakit daw ang lalaki at tumatakas kaya siya ikinulong ng kaniyang mga magulang.
"Nananakit po at pinagsasaktan na kaming mag-asawa. Kaya pinagplanuhan namin na lagyan na lang ng kulungan para gitaw siya roon, hindi siya nakagapos," sabi ng ama ng lalaki.
Taong 2016 nang magtrabaho sa Maynila ang lalaki. Pero nang bumalik sa probinsiya, iba na ang kaniyang ikinikilos, hanggang sa tuluyang lumala ang kaniyang problema sa pag-iisip.
Sinubukang ipagamot ang lalaki pero hindi nagtuloy-tuloy ang kaniyang gamutan dahil sa kakapusan sa pera at walang malapit na ospital.
"Hindi ko po kayang suportahan dahil wala naman pong mabili pati rito. Kapag nakakasumpong kahit P200, hindi naman makabili rito at walang mabilhan kundi sa Maynila. Magkano ang pamasahe pa-Maynila..." ayon sa ama ng lalaki,
Pareho nang senior citizen ang mga magulang ng lalaki, na paggawa ng walis-tingting ang tanging kabuhayan.
May iniinda ring sakit ang nanay ng lalaki.
"Talaga pong nahirapan na rin po kaming mag-alaga. Namamato po 'yan sa amin... ng mainit na tubig, binabato po kami, tiis lang ho kami gawa ng siyempre, anak ko," dagdag ng ama ng lalaki.
Napatingnan sa doktor ang lalaki matapos tulungan ng isang non-government organization ang kaniyang pamilya.
Nitong Lunes, nailabas na sa kulungan ang lalaki para ibiyahe pa-Maynila upang doon siya maipatingin.--Jamil Santos/FRJ, GMA News