Nauwi sa trahedya ang masayang picnic ng mga magkakaanak nang maaksidente ang sinasakyan nilang elf truck sa Cabagan, Isabela.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabi ng pulisya na galing sa San Pablo at pauwi na papuntang Tumauini ang mga biktima nang bumangga ang truck sa streetlight ng barangay at saka tumagilid.
Nasawi ang isang senior citizen, at kritikal ang isang bata na kasama sa 16 na iba pang nasaktan.
Lumitaw sa imbestigasyon na nag-picnic at naligo sa ilog ang magkakaanak.
Mabilis umano ang pagpapatakbo ng driver ng truck at nakaiglip kaya nangyari ang insidente.
Lumilitaw na nakainom din umano ang driver, na kabilang sa mga nasugatan.
Ayon sa isang kaanak, napansin na raw noong una na mabilis ang pagpapatakbo ng driver kaya pinatigil ang truck at bumaba ang mga pasahero.
Paalala naman ng mga awtoridad, huwag magmaneho kung nakainom ng alak at iwasan din muna ang mga pagtitipon dahil na rin sa pandemya.--FRJ, GMA News