Nasawi ang isang 16-anyos na lalaki at ang kaniyang kasamahan sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Biñan City, Laguna noong Miyerkoles ng gabi. Ang suspek, nanlaban daw, bagay na itinanggi ng mga kaanak.
Ayon sa pamilya ng nasawing menor de edad na si Jhondy Maglinte Helis, inihayag ng mga pulis na nanlaban siya nang sisilbihan ng arrest warrant kaya napatay.
"[Pero] ang kuwento nakarating sa akin, nakaposas na si Jhondie at nagmamakaawa siya [na] huwag patayin pero pinatay pa rin nila," sabi ng tiyahin ni Helis na si Nylla Maglinte sa GMA News Online.
Ayon sa police report, mga most wanted person sa Laguna sina Helis at ang kaniyang kasamahan na si Antonio Castillo Dalit. Napatay sila nang makipagbarilan umano sa mga pulis na umaaresto sa kanila dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ng pulisya na binunot nina Dalit at Helis ang kanilang mga armas at pinaputukan ang mga awtoridad, na nagresulta sa engkuwentro.
Nagsagawa ng technical investigation ang SOCO o Scene of the Crime Operation team sa pinangyarihan ng umano'y engkuwentro.
Hindi bababa sa 13 piraso ng mga medium plastic sachet na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000 ang nabawi umano sa mga napatay, ayon sa ulat ng pulisya.
Nabawi rin daw sa dalawa ang dalawang caliber 38 revolver, P3,500 pera, isang digital weighing scale, at ilang piraso ng ilegal na drug paraphernalia.
Sinabi naman ni Maglinte na humihingi ng katarungan ang kanilang pamilya sa ginawa umano ng pulisya sa kaniyang pamangkin.
“Justice lang hiningi ko para sa pamangkin ko. Kung may mali man siya or wala hindi dapat pinatay nila. Nagmamakaawa sa kanila binaril pa rin nila nang brutal,” sabi ni Maglinte.
Iginiit ni Maglinte na hindi target ng pulisya si Helis kundi si Dalit.
Nang hingan ng pahayag, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Chitaddel Gaoiran, spokesperson ng Police Regional Office-4A, na titingnan ng kapulisan ang insidente at mgiging bukas sa anomang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ni Helis.
"Actually po ay automatic pong may gagawing investigation ang Internal Affairs Service pag ganyan pong operasyon na may namatay para po malaman kung nasunod po ng mga pulis ang SOP at wala silang nalabag na procedure," sabi ni Gaoiran.--Jamil Santos/FRJ, GMA News