Nag-viral sa social media ang isang 4-anyos na batang babae na sa murang edad ay nagsisikap na mag-ipon ng pera para sa kanyang pag-aaral at sa kanyang pamilya.

Sa GMA News "24-Oras" nitong Biyernes ng gabi, itinampok ang kuwento ni Althea Tumapon ng Kapatagan, Lanao del Norte

Nag-viral ang mga larawang inilagay ng kanyang tita na si Marefe Sanes tungkol sa pag-iipon ng bata.

Sinabi ni Althea sa pagtatanong ng kanyang tita na ang perang iniipon niya ay para sa kanyang pag-aaral at sa kanyang mga kapatid.

Ayon kay Marefe, 2018 pa nang magsimulang mag-ipon ang bata. Wala umanong nagturo sa kanya na gawin ito.

Ang ama at ina ni Althea ay kapwa pipi at bingi.

Ayon sa tiyahin ng bata, ang naipon ni Althea ay napakalaking tulong umano sa pamilya, lalo na noong nakaraang Enero nang manganak ang kaniyang ina at wala silang kapera-pera.

Kinuha ni Althea ang kaniyang alkansiya na naglalaman ng P1,500 at ito ang nagamit sa panganganak ng nanay niya.

Matapos ito, nagsimula na namang mag-ipon si ni Althea. Ang kakaunting halaga ng mga perang ibinibigay ng kaniyang lolo at lola ang iniipon niya.

Para umano sa school niya ang kanyang iniipon dahil malapit na raw siyang mag-aral. —LBG, GMA News