Pilit na hinarang ng mga residente ang demolition team na nagtungo sa Barangay Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna dahil ilegal umano ang gagawing paggiba sa kanilang mga bahay.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita ang balyahan at tulakayan ng mga residente at demolition team nitong Miyerkules.
Pero sa kabila ng pagpigil ng mga residente, natuloy din ang paggiba sa kanilang mga bahay.
Ang mga nawalan ng tirahan, nagmakawa na huwag gibain ang kanilang bahay dahil wala silang mapupuntahan lalo pa ngayon ng may pandemic.
Ilegal at biglaan din daw ang ginawang demolisyon.
Ayon kay Undersecritary Meynard Sabili ng Department of Human Settlement and Urban Development, walang maipakitang papel na galing sa korte ang sheriff na nag-utos ng demolition.
Itinanggi naman ito ni Sheriff Ronnie Paloyo, at hindi rin umano biglaan ang demolisyon.
Aniya, nagbigay siya ng five days notice to vacate sa mga residente.
Sinabi naman ng City Urban Development Housing na tatanggap ng mahigit P21,000 na ayuda ang bawat pamilya na naapektuhan ng demolisyon.--FRJ, GMA News