Arestado sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation noong Miyerkules ng hapon ang isang abogado sa Naga City, Camarines Sur, dahil umano sa pangingikil.
Kinikilan daw ng suspek na kinilalang si Atty. Ferdino Condez, na nagpakilalang empleyado ng Optical Media Board (OMB), ang isang tindahan ng cellphone sa siyudad ng halos kalahating milyong piso.
Ayon sa report ng NBI Naga, June 8, 2021 nang magtungo sa kanilang tanggapan ang isang negosyante upang irekamo ang isa umanong Atty. Ferdino Condez galing sa OMB.
Ayon sa negosyante, may ilan umanong miyembro ng OMB ang nagtungo sa kanilang tindahan ng cellphone at kinumpiska ang mga memory card at mga cellphone na naka display.
Nakiusap daw ang may ari ng tindahan kay Atty. Condez na huwag ipasara ang kanilang tindahan subalit sinabi ng suspek na magbigay na lang P500,000 ang may-ari upang hindi na maipasara.
Noong Miyerkules din ay nagkasundo ang negosyante at si Atty. Condez sa halagang P350,000 upang hindi na maipasara ang tindahan.
Walang kaalam-alam si Condez na nakipag ugnayan na sa NBI ang negosyante.
Noon din, isinagawa ang entrapment operation sa restaurant ng isang hotel sa Naga City. Matapos mag-abutan ng pera, inaresto na ng NBI si Condez.
Ngayong araw ay nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings si Atty. Ferdino M. Condez.
Nahaharap ito sa kasong Violation of Article 294 (Robbery/Extortion) of the Revised Penal Code as amended at Violation of Republic Act 3019 (Anti Graft and Corrupt Practices Act).
Nasa kustodiya ngayon ng NBI Naga ang naarestong suspek. —LBG, GMA News