Dahil sa hirap na pinagdadaanan sa pag-asikaso sa mga tinamaan ng COVID-19, magandang balita para sa dalawang nurse sa Palawan na bumuti ang kalagayan ng isa nilang pasyente nasa intersive care unit (ICU).
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang isa sa mga nurse na napasayaw sa tuwa na si Shaira Garfil.
Ayon kay Garfil, nangyari ang pagsayaw nila nang sabihin ng naka-duty na duktor na aalisin na sa ICU ang isa nilang pasyente.
Naramdaman daw nila nang oras na iyon na nagbunga ang pagod nila sa pag-asikaso sa pasyente.
Sa dami raw kasi ng pagsubok na kinakaharap nila ngayong pandemic, madalas na sa pagbuti ng kalagayan ng mga pasyente sila humuhugot ng inspirasyon at lakas.
Bagaman marami ang natuwa sa kanilang video, mayroon ding pumuna.
Pero nauunawaan daw ni Garfil ang pananaw ng ilan na inaakalang hindi naasikaso ang ilang pasyente.
Paliwanag ni Garfil, tulad sa kanilang ospital na mayroong isang nurse ang nakatoka na nagbabantay at nag-asikaso sa 10 pasyente.
Kailangan daw timbangan ng nurse kung sino ang pasyente na mas higit ang pangangailangan ang dapat unahin na asikasuhin.
Hiling niya, sana daw ay unawain din ang kanilang kalagayan tulad ng pag-unawa nila sa mga pasyente.--FRJ, GMA News