Nasawi ang isang 52-anyos na ama matapos mabangga ng SUV ang sinakyan nilang tricycle ng anak sa San Juan, La Union.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, makuhanan sa cellphone video ang nakataob na tricycle sa gilid ng kalsada.

Nasa loob pa raw noon ang mag-amang biktima na pasahero ng tricycle.

Hindi naman kalayuan sa tricycle ang driver nito na nakabulagta sa kalye.

Dinala ang mga biktima sa ospital pero binawian ng buhay ang ama na nakilalang si Arturo Jun Onor.

Wala namang nasaktan sa mga sakay ng SUV.

Lumitaw na papunta sana sa Luna ang mag-ama para dalawin ang mga kaanak.

Ayon sa pulisya, hindi na sinampahan ng mga kaanak ng biktima ang driver ng SUV. Nangako umano ang driver natutulungan ang mga nasaktan at ang naulilang pamilya ng nasawi.--FRJ, GMA News