Labis ang lungkot ng isang 95-anyos na lola sa Laur, Nueva Ecija nang aksidenteng mahulog ang kaniyang pitaka na may laman na pera at naging panggatong sa kalan.
Sa ulat ni Kim Guevarra sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing aabot sa P14,000 ang pera ni lola Hinorata Gahis, na naging panggatong.
Kuwento ng kaniyang apo na si Sarahlie de Guzman, katatapos lang magsaing ng bigas ng kaniyang lola at magpapainit na ng tubig nang aksidenteng mahulog ang pitaka nito sa kalan.
"Nung tumayo siya para ilagay yung painitan ng tubig, doon po siguro nalaglag yung pitaka niya. Hindi niya po namalayan," ayon sa apo.
Matagal daw na inipon ni lola Hinorata ang pera mula sa pensiyon ng kaniyang namayapang asawa na isang sundalo.
Plano sana ni lola Hinorata na iwan ang naturang pera sa kaniyang mga anak at apo kapag pumanaw na siya.
Ayon kay Gomer Gomez, senior research specialist ng Bangko Sentral ng Pilipinas-Dagupan City Branch, maaaring mapalitan ang napinsalang pera kung may natitira pang 60 percent sa sukat nito, mayroon pang pirma, at security thread sa pera.
Payo niya, dalhin sa bangko o sa BSP ang pera ni lola Hinorata para malaman kung maaari pa itong palitan.--FRJ, GMA News