Suntok sa batok ang inabot ng isang e-bike driver habang nagpapaliwanag sa mga siklista sa Mangalandan, Pangasinan. Reklamo daw ng mga biker, muntik na silang madisgrasya dahil sa ginawang pagliko ng e-bike driver.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, madidinig sa amateur video ang boses ng isang babaeng sakay ng e-bike at nakikiusap sa mga biker na kinukumpronta ang driver.

Pero maya-maya lang, isang biker ang nagpakawala ng suntok na tumama sa batok ng 21-anyos na driver ng e-bike.

Kuwento ng e-bike driver, nagalit daw ang mga biker dahil sa reklamo na muntik na silang madisgrasya nang lumiko siya para pumasok sa maliit na kalsada.

"Ssabi n'ya po muntik na raw namin silang madisgrasya. Sabi ko naman po, 'Kuya naka-flasher naman po ako.' Tapos po bigla na lang akong sinapok dito," kuwento ng driver.

Sa CCTV ng barangay, makikita ang e-bike na maingat na humanap ng tiyempo para makatawid sa main road para makaliko sa mas maliit na kalye.

Bago siya tuluyang makatawid at makapasok sa maliit na kalye, makikita ang pagdating ng grupo ng mga biker pero wala namang naging problema.

Gayunman, paglampas ng mga biker sa pinasukang maliit na kalsada ng e-bike, tumigil ang mga siklista. Maya-maya lang, pinuntahan nila ang maliit na kalye para sundan ng e-bike at doon na nangyari na ang pananapak sa biktima.

Ayon sa pulisya, puwedeng magsampa ng reklamo ang e-bike driver laban sa siklista na nanakit siya.

Samantala, hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga biker kaya hindi pa nakukuha ang kanilang paliwanag sa nangyari.-- FRJ, GMA News