Napipilitan na ang ilang magsasaka ng pakwan na ipautang ang kanilang mga ani sa halip na hayaang mabulok sa Sto. Domingo, Ilocos Sur. Wala raw kasing nangangalakal na kumukuha ng pakwan para madala sa Metro Manila at iba pang lugar.
Ayon sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing walong barangay o 20 ektarya ang taniman ng pakwan sa nabanggit na bayan.
Sa kada ektarya, aabot umano 20 tonelada ng pakwan ang inaani ng mga magsasaka.
Ang bahay ni Rowena Aluad, halos mapuno na ng pakwan ang labas ng bahay na ipinautang sa kaniya ng mga magsasaka.
Ayon kay Aluad, sa halip na mabulok, ipinautang na lang sa kaniya ng mga magsasaka ang mga pakwan para maibenta dahil walang nag-aangkat ng produkto patugong Metro Manila.
Nagkakahalaga ng P20 per kilo ang malalaking pakwan at P10 ang maliliit.
Ito na raw ang pinakamababang presyo ng pakwan sa makalipas na maraming dekada.
May mga pakwan din sadyang inihiwalay para ipinamigay na lang kaysa hindi mapakinabangan.
Ayon kay Randy Reburdon, municipal agriculturist, isinara nila ang border ng munisipalidad dahil sa usapin ng kalusugan na higit na mahalaga ngayon dahil sa banta ng COVID-19.--FRJ, GMA News