Nasangkot sa aksidente ang isang 38-anyos na jeepney driver sa Olongapo City matapos mahilo habang namamasada. Hinala ng kaniyang misis, epekto iyon ng ginawang pagpukpok ng bato sa ulo ng mister ng limang pasahero na tumangging magbayad ng pasahe.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang jeepney driver na si Dennis Balikad.
Namamasada si Balikad nang sumama raw ang pakiramdam nito kaya itinabi niya ang jeep pero may tinamaan siyang tubo ng tubig sa Barangay Sta. Rosa.
Kuwento ni Juliet, kinakasama ni Balikad, nagsimula raw na makaramdam ng pananakit ng ulo ang tsuper ilang araw mula ang insidente nang pukpukin ito ng bato sa ulo ng limang pasahero.
Tumakas daw ang mga pasahero matapos ang insidente na nag-iwan ng malaking sugat sa ulo ni Balikad.
Dahil sa patuloy na may nararamdaman, tumigil na muna sa pamamasada si Balikad kaya apektado ang pagkakaloob niya ng pangangailangan ng asawa at anim na anak.
Ayon sa pulisya, hindi pa nila natatanggap ang pormal na reklamo ng biktima laban sa mga pasaherong nanakit sa tsuper.
Gayunman, may babala ang pulisya sa walang lugar sa kanila ang mga kriminal. --FRJ, GMA News