Matapos ang mahigit dalawang taong pagtatago, naaresto ang isa umanong pasimuno ng investment scam sa Cebu, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Lunes.
Kinilala ang suspek na si Katherine Posas Liao na isa raw sa pasimuno ng malaking business scam na Organiko Agribusiness Venture.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na nakita si Liao sa Lapu-Lapu City sa Cebu kaya agad silang nag-deploy ng team na nauwi sa pag-aresto sa suspek.
May limang warrant of arrest ang suspek para sa syndicated estafa, na isang non-bailable case.
May 2018 pa nang mag-issue ng cease and desist order ang Securities and Exchange Commission laban sa Organiko dahil umano sa kuwestiyonableng business model nito ngunit nagpatuloy pa rin daw ito sa operasyon.
Libu-libo raw ang nabiktima ng grupo at milyun-milyong halaga ang natangay sa mga nag-invest na karamihan ay nasa Davao.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek. --KBK, GMA News