Patay ang isang rider nang sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo sa palikong bahagi ng kalsada at tumama ang katawan sa likod ng nakatigil na SUV sa Tarlac City.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," makikita sa kuha ng CCTV ang mabilis na takbo ng biktimang si Robert Santiago, 26-anyos, sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Barangay Maliwalo sa nabanggit na lungsod.

Sumempleng ang biktima at saka sumalpok sa likod ng nakaparadang SUV.

Isinugod ng rescue team ang biktima sa ospital pero hindi na siya umabot ng buhay.

"Kung bibiyahe kayo huwag po kayong iinom. Alam natin na may batas tayo diyan. Maliban sa may batas tayo, puwede po nating ikamatay 'yan," paalala ni Police Lieutenant Colonel Sol Elefanio, PIO, Police Regional Office 3.

Nakatakdang mag-usap ang pamilya ng biktima at driver ng SUV, ayon sa ulat.

Samantala sa Barangay Aserda sa Mapandan, Pangasinan, apat ang nasugatan nang banggain ng isang kotse ang tricycle na kanilang sinasakyan.

Sa kuha ng CCTV, makikita na dahan-dahan na lumiliko ang tricycle sa panulukan ng kalsada nang salpukin sila ng kotse na hindi nagmenor ang takbo.--FRJ, GMA News