Sinagip ng mga awtoridad ang batang magkapatid na edad tatlo at isa matapos silang iwan ng kanilang ama sa nakaparadang sasakyan na patay ang makina at naka-lock sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nasa kalahating oras na sa loob ng sasakyan ang mga bata bago napansin ng mga tao na humihingi ng tulong.

Kaagad naman tumawag ang mga tao sa Road Traffic Administration para mailabas ng sasakyan ang magkapatid.

Pinainom kaagad ng tubig ang magkapatid para hindi ma-dehydrate.

Ilang saglit pa, dumating ang ama ng mga bata at kinausap siya ng mga awtoridad.

Lumitaw sa imbestigasyon na may binili ang ama kaya iniwan sa sasakyan ang kaniyang mga anak.

Hindi na kinasuhan ang ama na nangakong hindi na mauulit ang insidente.

Sa ilalim ng Child Safety in Motor Vehicles Act, bawal na iwan ang mga bata sa loob ng sasakyan. May multa itong P1,000 sa unang paglabag, P2,000 sa pangalawa, at sa ikatlong at susunod na paglabag ay P5,000 at isang taon na suspendido ang lisensiya sa pagmamaneho.

Ilang insidente na ang nangyari na may mga batang nasawi matapos maiwan at makulong sa loob ng sasakyan.--FRJ, GMA News