KALIBO, Aklan—Ilang vendors, kasama ang 14 na Muslims, sa isla ng Boracay ay isinailaim sa RT PCR test bilang bahagi ng kampaniya ng lokal na pamahalaan na maging COVID-19 free ang kilalang tourist destination.
Isinagawa ng Provincial Health Office ang swab test sa kanilang komunidad sa Boracay. Inaasahang lalabas ang resulta nito bago matapos ang linggong ito.
Bagaman "zero COVID" ngayon ang isla ng Boracay, may 51 naman na kabuuang panibagong kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan ng Aklan, at 17 sa mga ito ay nanganling sa Bayan ng Banga.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19, pansamantalang nagsara ang opisina ng Aklan State University sa Banga campus. Pansamantala ring ipinatigil ang online learning ng mga estudyante.
Sa Kalibo, pansamantala ring ipinasara mula March 3 hangang March 5 ang ilang government offices ng lokal na pamahalaan ng Kalibo dahil pito sa empleyado ng Mayors' Office ay apektado ng COVID-19.
Exempted sa lockdown ang mga opisina ng essential workers katulad ng Municipal Health Office Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, at iba pa.
Base sa tala ng Provincial Epidemiology Survielance Unit, o PESU-Aklan umabot na sa 932 na kabuuang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Sa nasabing bilang, 183 ang active cases, 28 ang namatay, at ang iba ay naka-recover na. —LBG, GMA News