Nasawi ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na aksidente sa Pangasinan at Ilocos Norte matapos bumangga sa poste at sa bakod ang minamaneho nilang tricycle. Ang mga biktima, parehong nakainom ng alak.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing nasawi ang 27-anyos na biktima nang bumangga ang kaniyang tricycle sa poste ng kuryente sa Barangay Nagsaing, Calasiao, Pangasinan.
Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng biktima at posibleng nawalan ng kontrol sa manibela hanggang masalpok ang poste.
Nalaglag mula sa motorsiklo ang biktima at tumama sa semento ang ulo na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Idinagdag ng mga awtoridad na nakainom ang biktima, bagay na kinumpirma naman ng kaniyang mga kaanak dahil galing daw ito sa inuman kasama ang mga kaibigan.
Ayon sa kaanak, pauwi na sana ang biktima sa Barangay Lumbang pero bumalik sa Barangay Nagsaing nang tawagan pa raw ng kaibigan at doon na nangyari ang sakuna.
Samantala, nasawi naman ang isang lalaki sa Barangay Paltit, Badoc, Ilocos Norte nang bumangga ang kaniyang tricycle sa bakod ng tulay.
Galing daw sa inuman ang biktima at pauwi na nang mangyari ang aksidente, ayon sa pulisya.
Sa lakas ng pagkakabangga, bumaliktad ang tricycle at nalaglag ang biktima at tumama sa sementadong kalsada na dahilan ng kaniyang pagkasawi.--FRJ, GMA News