Sinagip ng mga awtoridad ang anim na Indonesian na nagtatrabaho sa call center na ilang buwan umanong ikinulong ng kanilang employer sa isang condominium building sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni John Consulta sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita ang paglapit ng mga ahente ng National Bureau of Investigation sa target nila na condo, nang biglang lumitaw ang isang kamay na may hawak na tuwalya mula sa third floor.
Ito ang senyas ng lugar ng kinaroroonan ng kanilang mga pakay.
Matapos makontrol ang mga guwardiya at bantay ng establisyimento, tinungo ng NBI-International Operations Division ang ikatlong palapag ng condo, at sinagip ang anim na dayuhan.
"These guys are basically, nagtatrabaho sa isang call center. Hindi sila pinapalabas in the guise na under quarantine at may pandemic daw. Na-realize lang nila later on ngayong taon nang ang mga kasamahan nilang Indonesians nasa labas naman ng opisina. Tapos nu'ng nagtanong sila kung puwede silang lumabas, pinagbabawalan sila," ayon kay NBI-IOD Chief Ronald Aguto.
Nadiskubre ng NBI na nakararanas ng hirap ang ilang mga dayuhang nagtatrabaho sa bagong tayo na kumpanya na nag-recruit sa kanila mula sa kanilang mga bansa.
"Base sa kuwento nila diyan, 'pag ayaw nilang magtrabaho doon, ibebenta sila sa ibang mga kumpanya na pag-aari rin ng foreigners. Kino-contain nila ang liberty ng tao, so this is a violation ng ating batas dito sa Pilipinas," sabi ni Aguto.
Nahaharap sa kasong serious illegal detention at human trafficking ang mga employer ng mga dayuhan, na hinahanap na rin ng mga awtoridad. —LBG, GMA News