Napatay ng mga awtoridad sa engkuwentro sa Botolan, Zambales ang dalawang suspek na nagpapanggap umanong mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent para kidnapin ang kanilang mga biktima.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang isa sa mga suspek na si Michael Corpuz, na may limang outstanding warrant of arrest.
Wala namang pagkakakilanlan pa ang isa pang nasawi.
Nanlaban umano ang dalawang suspek sa kubo sa isang liblib na lugar sa naturang bayan kaya napatay sila ng pulisya.
Nakuha sa lugar ng mga suspek ang ilang armas.
Sa video na ibinigay ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa GMA News, makikita ang aktuwal na kidnapping operation ng grupo ni Corpuz sa isang lugar sa Metro Manila noong isang taon.
Ayon sa PNP-AKG, nakuha nila ang video nang ma-retrieve nila ang cellphone ng isa sa mga suspek na napatay nila sa buy-bust operation sa Pililla, Rizal noong Oktubre 2020.
Ang video ay isa sa magsisilbing ebidensiya na hawak ng PNP-AKG.--Jamil Santos/FRJ, GMA News