Patay ang isang 40-anyos na ginang matapos siyang paluin ng martilyo sa ulo ng kaniyang mister sa Kabankalan City, Negros Occidental. Ang lumilitaw na motibo sa krimen, selos.
Sa ulat ng GMA Regional TV "One Western Visayas" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Delbeth Laurente.
READ: Rep. Villar, naalarma sa tumataas na karahasan sa mga babae at mga bata ngayong pandemic
Naaresto naman ang 44-anyos niyang mister na si Saler Laurente, na nahaharap sa reklamong parricide.
Ayon sa mga awtoridad, nakita ng anak ang kaniyang ina na duguan at wala nang buhay sa kanilang bahay sa Sitio Lucay Dos, Barangay Camingawan sa Kabankalan City.
Sinabi ni Police Lieutenant Jomel Salarda, Deputy Chief ng Kabankalan City Police Station, nagseselos umano ang suspek dahil sa hinala nitong may kalaguyo ang ginang.
Pero itinanggi ng biktima ang paratang at inihayag din ng mga anak na walang katotohanan sa hinala ng kanilang ama.
Natuklasan din na ilang araw nang hindi kumakain ang suspek at palagi umanong naglalasing. --FRJ, GMA News