Nadakip sa San Juan, Batangas ang tatlong suspek sa pag-ambush dating Pangasinan governor Amando Espino Jr. noong 2019, kung saan isang security escort niya ang namatay.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang mga nadakip na sina Albert Palisoc, Armando Friaz Jr., at Benjie Resultan, pawang residente ng Urbiztondo, Pangasinan.
Isinagawa ng mga awtoridad ang pagsalakay sa bahay na pinagtataguan ng tatlo sa Batangas sa bisa ng arrest warrant.
Nakuha umano sa mga suspek ang ilang baril, bala at mga pekeng ID.
Pinaniniwalaan din na miyembro ng isang criminal group ang tatlo na nakadetine ngayon sa Basista police station.
Hindi muna pinayagan ang GMA News na makausap ang mga suspek, habang sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ang kanilang mga kaanak.
Nangako naman ang mga awtoridad na patuloy ang ginagawa nilang imbestigasyon para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Hapon noong Setyembre 2019 nang tambangan ang sinasakyan ni Espino at mga kasama sa Barangay Magtaking sa San Carlos City, Pangasinan.
Nasugatan si Espino pero nakaligtas habang kaagad nasawi ang kaniyang security escort.--FRJ, GMA News