Naiyak na lang ang isang 10-taong-gulang na lalaki nang ikuwento ang ginawang pagtangay ng isang kawatan sa kaniyang cellphone na ginamit sa online class at P800 na kita na pinaghirapan niya sa pagtitinda sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing lumapit ang kawatan na nagpakilalang kagawad at kakilala ng kanilang lola.

Isinama ang bata sa isang lugar at kinuha ang kaniyang cellphone, P800 na kinita sapagbebenta ng lumpia, pati na ang kaniyang pagkain.

Kinalaunan ay nagsabi ang kawatan na tatawagan ang kaniyang lola pero hindi na ito nagpakita.

Ang cellphone na kinuha ng kawatan, ilang buwan daw na pinag-ipunan ng bata para may nagagamit sa online class.

"Sana kung nakikita n'yo 'to 'wag n'yo na pong ulitin sa iba po," sabi ng bata.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya at naghahanap na CCTV na maaaring makatulong para matukoy ang kawatan.--FRJ, GMA News