Nakaratay ngayon sa ospital sa Cebu ang isang 12-anyos na babae matapos siyang buhusan ng kumukulong tubig ng kaniyang amain. Ang suspek, lasing daw at nagalit nang walang maihain na "humba" ang biktima.
Itinago sa pangalang "Tina" ang biktima na nagtamo ng matinding paso sa mukha, na umabot sa kaniyang balikat at braso.
Hirap din si Tina na maidilat ang kaniyang mga mata.
Nakaratay ngayon sa ospital sa Barili ang biktima.
Ayon sa kuwento ng ina ni Tina na itinago sa pangalang Rosenda, lasing ang kaniyang kinakasama na si Rey nang umuwi ng bahay at nagutom sa bayan ng Dumanjug.
Nagpahanda raw ito ng makakain kay Tina at hinanap ang ulam na "humba."
Pero gulay lang ang naihanda ni Tina dahil wala na ang humba na pinulutan na raw ni Rey sa inuman.
Doon na nagalit si Rey at walang sabi-sabi na binuhusan ng kumukulong tubig ang kawawang biktima.
Nakakulong na ngayon si Rey na aminado sa kaniyang nagawa na kaniyang raw pinagsisisihan.
Nablangko raw ang kaniyang isip dahil sa labis na kalasingan.
Kuwento ni Rosenda, mabait naman si Rey noon sa dalawa niyang anak sa una niyang asawa. Pero kinalaunan ay nagbago na raw ito at lagi nang sinasaktan ang mga bata.
Ano nga ba ang dahilan at nagbago ang pag-uugali ni Rey sa mga bata? Tuluyan kaya siyang kasuhan nina Rosenda? Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News