Dalawang lalaki ang arestado sa Cabanatuan, Nueva Ecija matapos mangikil umano kapalit ng hindi nila pagpapakalat ng maseselang larawan ng biktimang menor de edad.
Sa ulat ni John Consulta sa Balitanghali nitong Lunes, kinilala ang mga suspek na sina Joshua Ramos, 20, at John Ray, 18.
Ayon sa ina ng biktima, nakilala ng kaniyang 10-anyos na anak si Ramos sa isang sikat na online game. Sa Facebook daw nabuo ang relasyon ng dalawa.
"Pinipilit na ngayon ni suspek si victim na gumawa ng sensitive acts until such time na tinatakot na si victim na kapag hindi siya nag-perform ng mga gusto ni suspek ay sasabihin na ngayon sa parents niya," ani Police Captain Roxanne Datiles ng PNP Regional Anti-Cybercrime Unit 4A.
"So napilitan si victim na mag-send ng videos sa suspek," dagdag pa niya.
Nanghingi daw ang suspek ng P5,000 kapalit ng hindi pagpapakalat ng nasabing mga larawan.
Narekober ng pulisya ang mga cellphone ng mga suspek at nabawi ang maseselang kuha ng batang biktima. Kapwa sila nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Photo and Voyeurism Act, robbery-Extortion at child abuse.
Tumanggi silang magbigay ng pahayag. --KBK, GMA News