Nasagip ang dalawang babaeng biktima umano ng human trafficking sa Angeles City, Pampanga, habang arestado naman ang tatlong babae at isang Amerikano, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Ayon sa mga otoridad, nagre-recruit ang mga babaeng suspek ng mga modelo pagkatapos ay pipiliting makipagtalik sa dayuhan habang kinukuhanan ng video.

Limang taon na raw pabalik-balik ng Pilipinas ang Amerikano bilang turista. Posible raw na marami na siyang nabiktima base sa mga larawan at ID na na-recover.

Nakumpiska mula sa operasyon ang ilang camera, sex toys, condom, cellphone, tabletas at kontrata.

Binabayaran daw ng $300 o P15,000 ang mga babae sa paggawa ng sex video.

Mahaharap sa kasong human trafficking ang apat na suspek. Hindi sila nagbigay ng pahayag. --KBK, GMA News