Patay ang isang sundalo matapos sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo at padausdos na bumangga sa kasalubong na kotse sa Ilocos Sur. Ang buong pangyayari, nakuhanan sa dashcam ng kotse.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang nasawing rider na si Private First Class Rommel Zamora, 23-anyos, ng Bongabon, Nueva Ecija.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ni Zamora at nag-overtake sa sinusundang motorsiklo sa highway ng Narvacan, Ilocos Sur nang mawalan siya ng balanse at sumemplang bago tumama sa paparating na kotse na minamaneho ni Artemio Rafanan, 65-anyos, na nasa kabilang linya.

Sa lakas ng pagkakabangga ni Zamora, bumalik ang kaniyang katawan sa gitna ng highway matapos tumama sa kotse ni Rafanan.

"Makikita mo na mabilis din itong motor kaya hindi siya nakabalanse yung pag-overtake niya. Kaya nag-crash down sa pavement ng highway at saka naghiwalay yung motor at saka yung tao," sabi ni Police Captain Arcadio Viloria, Officer in Charge, Narvacan Police Station.

Nakasuot ng helmet si Zamora pero naging matindi ang pinsalang tinamo ng kaniyang katawan dahil sa lakas ng pagkakabangga na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

"Nag-execute sila ng affidavit of disinterest yung pamilya ng biktima," sabi pa ni Viloria. --FRJ, GMA News