Balik-operasyon na ang mga pampublikong sasakyan sa Camarines Norte simula sa Pebrero 8, 2021. Kasalukuyang nasa Modified General Community Quarantine o MGCQ ang lalawigan.
Ang pagpapahintulot sa pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan ay nakapaloob sa inilabas na kautusan ni Camarines Norte Governor Edgardo Angeles Tallado.
Kasama sa naturang kautusan ang mga patakaran na dapat sundin ng mga operator at tsuper, at mga pasahero sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan.
Kasama sa mga alituntunin para sa mga pampublikong bus at van ang pagkakaroon ng special permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board at aprubadong vehicle license mula sa Land Transportation Office.
Tanging ang mga pampublikong sasakyan na may rutang Daet-Naga-Daet o Daet-Manila-Daet ang pinapayagang bumiyahe. Limitado lamang sa hanggang 60 porsiyento ang mga sasakyan na ito ang maaring bumiyahe.
Hanggang 50 porsiyento naman ng kapasidad ng sasakyan ang papayagang maisakay.
Kailangan ding may medical certificate ang mga drayber at kondoktor mula sa municipal health units at may negatibong resulta ng COVID-19 RT-PCR Test o Rapid Antigen Test.
Kailangan ding magsagawa ng disinfection at sanitation sa mga unit bago magsakay at pagkatapos magbaba ng mga pasahero.
Bawal ang pagkain at pag-uusap sa loob ng mga sasakyan.
Ang mga pasaherong sasakay ay kailangang may travel pass at QR code na kinuha mula sa online Travel Pass Application.
Dapat din maglagay ng limang kopya ng contract-tracing form na nakasaad ang personal details ng mga pasahero.
Magiging point to point din lang ang biyahe kaya sa mga itinakdang terminal lang puwedeng magbaba at magsakay ng pasahero.
Umaasa ang gobernador na susundin ng mga mamamayan ng Camarines Norte ang ipinalabas nitong kaatasan para na rin sa kapakanan ng nakararami para makaiwas na mahawa ng nakamamatay na COVID-19.--Peewee Bacuño/FRJ, GMA News