Duguan ang bibig pero ligtas ang isang batang dalawang-taong-gulang nang masagip ng mga awtoridad sa Davao City matapos umanong martilyuhin ng sarili niyang ina na hinihinalang nakararanas ng depresyon.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV “State of the Nation” nitong Huwebes, ipinaliwanag ang 17-anyos na ina, na nagawa niyang martilyuhin ang anak dahil naiinis siya sa ingay nito.

“Alam ko naman sana na bata ‘yan at kahapon ko lang nagawa iyon, isang beses lang," anang ginang na itinago sa pangalang "Irene."

"Magulo ang isip ko. Sana mapatawad niyo ako kasi may isa pa akong baby,” dagdag pa niya.

Inilagay na sa pangagalaga ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang dalawang anak ni irene.

Si Irene naman, kasalukuyang nasa kustodiya ng Women and Children Protection Desk bago siya ilipat sa Department of Social Welfare and Development.

Ayon kay Atty. Marlisa Gallo, pinuno ng CSWDO-XI, posibleng nakararanas ng depresyon si Irene at kapapanganak lang din.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News