Blangko pa rin ang mga awtoridad kung sino at ano ang motibo sa pagdukot at pagpatay sa tatlong miyembro ng LGBT community sa Cavite. Ang ika-apat na bangkay, hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing may tattoo sa braso at binti ang ika-apat na bangkay.
Nakita ang naturang bangkay sa lugar kung saan nakita rin ang mga bangkay ng magkakaibigan na sina RR Bondoc, Lino Kinalenta, alias Nicole, at Mark Ian Edrina, alias Erica.
Ayon kay Police Major Dhefry Punzalan, Deputy Chief of Police ng Bacoor City, posibleng may katagalan nang itinapon ang mga bangkay sa naturang bangin sa Tagaytay kaya nagsisimula nang maagnas ang mga ito.
Disyembre 19 nang dukutin ng nasa pitong armadong lalaki ang tatlong magkakaibigan sa Bacoor, Cavite.
Dalawang sasakyan ang ginamit umano ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Isasailalim muna sa awtopsiya ang mga bangkay bago sila ibigay sa kani-kanilang pamilya.
Ang mga kaanak ng mga biktima, labis ang hinagpis at walang maisip na dahilan para brutal na paslangin ang kanilang mga mahal sa buhay. --FRJ, GMA News