BORACAY ISLAND, Aklan—Isang pari sa Our Lady of the Most Holy Rosary Parish ang nagpositibo sa COVID 19, ayon sa isang doctor.

Ipinahayag ni Dr. Bong Cuachon ng Provincial Health Office na matapos makumpirma ang kaso, kaagad silang nagsagawa ng contact tracing sa mga nakalapit sa pari, kasama na ang mga seminarista at staff ng tinitirhan nitong kumbento sa Boracay.

Nag-negatibo naman umano sa swab test ang mga naunang na-identify sa contact tracing na isinagawa.

Napag-alamang nakapagmisa pa ang pari noong Christmas Day bago nito nalamang may sintiomas na siya ng COVID.

Patuloy ang panawagan ng Kalibo Diocese sa lahat ng nakasalamuha ng pari na kaagad mag-report sa health authorities kapag nakaramdam sila ng sintomas ng naturang sakit.

Kinilala ng Kalibo Dioceae sa ipinalabas na advisory na si Fr. Vernon Justin Zolina, na nagsisilbing parochial vicar ng Our Lady of the Holy Rosary, ang nahawaan na pari.

 

Batay sa tala ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit, as of January 7, 2021, nakapagtala na ang Aklan ng 469 na kaso gn COVID 19. Sa total, 57 ang active cases; 16 ang namatay; at ang iba ay nakarekober na. —LBG, GMA News