Patay ang isang 22-anyos na babae sa Urbiztondo, Pangasinan matapos siyang pagtatagain at saksakin ng sarili niyang asawa. Ang suspek, kritikal din ang lagay matapos magsaksak naman sa sarili.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Irene Castro, na naulila ang tatlong anak.
Kritikal naman ang lagay ng suspek na Melvin Castro na nahaharap sa kasong pagpatay sa kaniyang asawa.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na kauuwi lang sa kanilang bahay ang biktima mula sa trabaho nang magkaroon sila ng pagtatalo na mag-asawa.
Nagdilim daw ang paningin ng suspek nang sabihin nito sa mister na gusto na niyang makipaghiwalay.
Ayon kay Police Major Michael Datuin, hepe Urbiztondo Police Station, may palatandaan na nanlaban ang biktima dahil may mga sugat din ito sa kamay.
Naniniwala naman ang mga kaanak ng biktima na labis na selos ang motibo sa krimen at posible umanong nakainom at nakadroga ang suspek.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang bolo na ginamit ng suspek.
Hindi ito ang unang pagkakataon ngayong Disyembre na nauwi sa karahasan ang umano'y selos sa mag-asawa.
Sa Polomolok, South Cotabato, isang ginang din ang nasawi matapos pagpapaluin ng martilyo ng kaniyang mister nang dahil daw sa selon.
Isang misis naman sa Koronadal City, South Cotabato ang nasawi dahil din sa pananakit umano ng mister na isang pulis.
Sa Cabugao, Ilocos Sur, nagtamo ng sugat sa mukha ang isang mister nang tagain siya ng kaniyang misis na nagseselos din umano.--FRJ, GMA News