Isang 9-anyos na bata sa Alfonso Lista, Ifugao ang hinangaan dahil sa kaniyang pagiging matapat.

Ayon sa Alfonso Lista Police, sinauli ng batang si Gernan Garcia ang napulot niyang pouch na may lamang P32,000, ID, at mga importanteng dokumento.

Nadampot daw ni Gernan ang pouch habang siya ay papauwi.

Naisauli na ang pouch sa may-ari, at bilang pasasalamat ay binigyan niya si Gernan ng pera.

Pinasalamatan din ng may-ari ng pouch ang mga magulang ng bata dahil sa magandang pagpapalaki sa kanilang anak. —KBK, GMA News