Patay matapos barilin sa loob ng kaniyang tanggapan sa munisipyo ang alkalde ng Los Baños, Laguna na si Caesar Perez nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa ulat ni Olan Bola ng Super Radyo dzBB, sinabi ng Los Baños Police na nangyari ang pamamaril kay Perez dakong 9:00 p.m.
Nasa receiving area umano ng munisipyo ang alkalde nang barilin siya ng dalawang ulit ulo.
Nakatakas ang salarin at isinugod naman sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Kinondena naman ni Governor Ramil Hernandez ang ginawang pagpatay kay Perez at iniutos ang masusing imbestigasyon.
LIST: DILG files cases vs. 46 officials on narcolist
Matatandaan na noong Marso 2019, kasama si Perez sa 46 na lokal na opisyal na kinasuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman dahil sa pagkakasangkot umano sa droga.
Sa pahayag noon ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya, itinanggi umano ng mga lokal na opisyal ang paratang laban sa kanila.
Noong nakaraang Pebrero, binaril at napatay sa Maynila ang alkalde ng Sumagka [Talitay], Maguindanao na nasa narcolist din ni Duterte na si Abdul Wahab Sabal.
Nitong nakaraang Hulyo naman, napatay din sa pamamarin si Sto. Niño, South Cotabato Mayor Pablo Matinong, na nasa naturang listahan din.
Nasa narcolist din si Clarin, Misamis Occidental mayor David Mabal Navarro, na tinambangan at napatay sa Cebu City noong Oktubre 2019, habang dinadala ng mga awtoridad sa piskalya matapos maaresto sa kasong pananakit sa isang masahista.--FRJ, GMA News