Patay ang tatlong magkakaibigan sa Tiaong, Quezon matapos silang pagbabarilin habang nag-iinuman noong Huwebes ng gabi sa Barangay Del Rosario.
Batay sa ulat ng Tiaong Municipal Police Station, pasado 9 p.m. nangyari ang pamamaril sa may isang tindahan ng goto sa barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nag-iinuman ang mga biktima nang bigla na lamang umanong dumating ang dalawang lalaking may mga mahahabang baril at pinagbabaril ang magkakaibigan.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktimang namatay na sina dating Barangay Del Rosario captain Richard Nitro, Jay-Ar Javillo, at Selvino Macaraig.
Nang makaalis ang mga bumaril ay saka lumapit ang mga tao at isinugod sa pagamutan sa San Juan, Batangas ang magkakaibigan, kabilang ang dalawa pang nasugatan. Dead on arrival sa ospital ang tatlo.
Ayon sa kapatid ni Richard Nitro na si Ma. Elena Cumal, sobrang mabait daw at matulungin ang kanyang kapatid. Wala raw itong nakaaway kahit noong nanunungkulan pa bilang kapitan ng barangay. Wala naman raw itong naikwento sa kanila na banta sa kanyang buhay. Hustisya ang panawagan ng mga naulila ng dating kapitan.
Tumangging humarap sa camera ang mga kaanak ng isa sa tatlong nasawi na si Macaraig.
Sa Maynila raw naglalagi si Macaraig. Umuwi lang raw ito upang bisitahin ng mga puno ng saging na sinira ng bagyong Ulysses. Hindi raw akalain ng mga kaanak na madadamay ito sa pamamaril.
Ayon sa hepe ng Tiaong Municipal Police Station, maaring paghihiganti kay dating kapitan Richard Nitro ang nakikita nilang motibo sa pamamaril.
Tukoy na raw nila ang nasa likod ng pamamaril. Nagsagawa na raw sila ng manhunt operation. Nakatakda na raw nilang sampahan ng kaso ang mga suspek. —LBG, GMA News