Nasawi ang isang 24-anyos na lalaki matapos siyang makuryente nang mahawakan ang live wire habang nag-aayos ng yero ng kanilang bahay sa Binalonan, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa "Balitang Amianan," kinilala ang biktima na si Jonell Fernandez, taga-Barangay Bued.
Inilahad ni Edelberto Fernandez, ama ng biktima, na inaayos ng kaniyang anak ang sirang yero ng kanilang bahay nang aksidente nitong mahawakan ang isang live wire na nakasabit sa sampayan.
"'Yung linya ng kuryente, kasi malakas ang hangin. Binaba siguro 'yung gulok dito sa may [gilid]. Nu'ng tingnan ko ulit, kapit-kapit niya 'yung wire. Tinakbo ko siya doon. Pagdating ko doon, nu'ng hawakan ko 'yung kamay niya, ang lakas ng kuryente," sabi ni Mang Edelberto.
Naisugod pa sa ospital si Fernandez pero binawian din ng buhay.
"Pale po 'yung pasyente, then may sugat po siya sa mga kamay. Siguro ano po siya sa shock, then dilated na po 'yung mata ng pasyente. We did the CPR as the protocol of a rescuer," sabi ni Orlando Ladimo Jr., Emergency Medical Service Nurse, MDRRMO Binalonan.
Patuloy naman na nagpaalala ang mga awtoridad na iwasang dumikit o humawak sa live wire para maiwasan ang naturang insidente.
"Mahal na mahal ko 'yung anak ko. Kung ano 'yung kainin niya, kinakain ko rin... Tinatanggap ko na talaga 'yung pagkaaksidente niya. Maski mairap lang ang buhay namin, masaya kami," ani Mang Edelberto. —LBG, GMA News