Tatlo katao ang nasawi at limang iba pa ang naospital dahil sa carbon monoxide poisoning mula sa ginamit nilang generator set dahil sa blackout na dulot ng nagdaang mga bagyo sa Albay.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinabi ng Department of Health (DOH) sa Bicol na nalason ng carbon monoxide ang mga biktima dahil hindi tama ang pagkakagamit nila ng generator set.
Paalala ng DOH, huwag ilagay ang generator set sa loob ng kulob na lugar tulad sa loob ng bahay para maiwasan ang carbon monoxide poisoning.
Kabilang sa sintomas ng carbon monoxide poisoning ay pananakit ng ulo, pagkahilo, hirap sa paghinga, at pagduduwal.
Kapag naranasan ang mga naturang sintomas, makabubuting magpatingin sa duktor, ayon sa DOH.--FRJ, GMA News