Pinayagan na ng Pasay Regional Trial Court Branch 111 na makauwi ang aktres na si Rufa Mae Quinto matapos maglagak ng piyansa nitong Huwebes.

“Go, go, go home na ako,” saad ni Rufa sa ulat ni GMA Integrated News reporter Saleema Refran.

Sinamahan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation International Airport Division si Rufa sa paglalagak ng piyansa na P1.7 milyon para sa 14 counts ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code, o P126,000 ang bawat isang kaso.

Naghain din si Rufa ng not guilty plea sa korte.

Naglabas ng arrest warrant ang Pasay RTC laban kay Rufa noong nakaraang taon matapos na magreklamo ang mga investor sa skincare company na Dermacare.

Dumating sa bansa si Rufa nitong Miyerkules mula sa Amerika. Mula sa NAIA international, sumuko ang aktres sa NBI.

Sa naunang panayam, iginiit ni Rufa na endorser lang siya ng kompanya at hindi rin siya binayaran sa pag-endorso na kaniyang ginawa.

Giit ng aktres, ang mga may-ari ng Dermacare ang dapat na habulin ng mga nagrereklamo.

"Wala naman akong kinalaman sa kanila. Hindi ko naman sila na-meet, or nakilala. In fact, ako din, hindi rin nabayaran. Nag-bounce lahat ng cheke. At three months lang po ako na parang 'yung pumirma ako, tapos first down talbog, second down talbog. So puro bouncing, tapos sabi 'sorry.' Kinancel din nila ako as endorser," giit ni Rufa.

"So sana 'yung mga biktima, 'yuna ang hanapin n'yo 'yung may-ari, kung sino 'yung kausap nila. Pangalawa, sana i-highlight n'yo kung sino ang kawatan dito, hindi 'yong porket artista, ikaw na agad 'yong laging nasa news. Ibig sabihin kailangang malinaw na hindi lang ako, kundi dapat pati mismo ang may-ari ang dapat habulin," dagdag niya

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng Dermacare.

Ang usapin tungkol sa mga reklamo laban sa naturang kompanya ang naging dahilan din ng ilang araw na pagkakadetine ng aktres na si Neri Naig-Miranda.

Giit din ni Neri, endorser din lang siya at hindi naghikayat sa mga tao na mamuhunan sa kompanya.

Pinayagan ng korte na makalabas ng detention facility si Neri habang muling pinag-aaralan ang reklamo laban sa kaniya. —FRJ, GMA Integrated News