CALAUAG, Quezon - Nagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang nangyaring aksidente sa Maharlika Highway, Barangay Doña Aurora, Calauag, Quezon nitong Miyerkoles ng umaga.
Nahulog ang mga kongkretong poste ng kuryente mula sa isang trailer truck. Humarang sa gitna mismo ng highway ang mga poste.
Dadalhin sana ang mga poste sa Tigaon, Camarines Sur upang ipalit sa mga poste ng kuryente na nasira ng Super Typhoon Rolly, ayon sa tsuper ng truck na si Nestor Sadocos.
Nangyari ang aksidente pasado alas-singko ng umaga.
Tanging maliliit na sasakyan lang ang nakakadaan.
Ayon kay Sadocos, bumigay o naputol daw ang kable ng mga poste kung kaya’t nahulog ang mga ito. Nawasak din ang ulo ng trailer truck matapos tamaan ng mga poste.
Nasa lugar na ang mga pulis ng Calauag Municipal Police Station.
Nagtamo ng minor injury ang driver at hindi halos makalakad.
Sa mga oras na ito ay umabot na apat na kilometro ang pila ng mga sasakyang naipit sa trapiko.
Malakas na ulan ang nararanasan ngayon sa lugar dahil sa Severe Tropical Storm Ulysses. —KG, GMA News