Maswerteng minor injury lang ang tinamo ng mga driver ng dalawang ten-wheel delivery van na nagsalpukan sa Quirino Highway, Barangay San Francisco, Tagkawayan, Quezon.
Nangyari ang aksidente pasado alas 10 ng gabi nitong Miyerkoles. Galing Cebu at pabalik na sana sa Batangas si Larry Dela Cruz habang patungo naman sa Bicol si Rico Armada.
Wasak na wasak ang unahan ng dalawang delivery van. Kapwa naipit ang dalawang driver at pahirapan ang ginawang rescue operation ng MDRRMO Tagkawayan.
Gumamit pa ng Hydraulic Rescue tools ang mga ito upang matanggal sa pagkakaipit ang mga driver. Mabilis pero maingat na inangat ang mga nayuping parte ng truck. Tumagal ng halos 30 minuto bago nakuha ang mga driver.
Ayon kay Dela Cruz, isang truck na nasiraan na nasa gilid ng highway ang nagbuga ng makapal na usok kung kaya’t nag zero visibility sa lugar dahilan para magsalpukan sila. Ito rin ang paliwanag ni Armada.
Nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang aksidente. Nakaharang pa kasi sa highway ang dalawang sasakyan na sangkot sa aksidente. -- BAP, GMA News