Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang illegal reclamation project umano sa Kawit, Cavite na sumira sa mga bakawan at tinabunan malaking bahagi ng ilog.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang larawan na kuha sa lugar noong 2016 na makikita pa ang mga bakawan at malaking bahagi ng ilog ng Ilang-ilang.
Pero sa drone video ng NBI-Environmental Crime Division na kuha kamakailan, tumambad ang malawak na reclamation project na aabot umano sa isang hektarya ang lawak na bumura sa mga bakawan at malaking bahagi ng ilog.
Kasama ng DENR-Cavite, sinalakay ng mga tauhan ng NBI ang naturang illegal reclamation project at inaresto ang tatlong manggagawa na inabutan sa lugar at kinumpiska ang mga heavy equipment.
Ayon kay Atty. Eric Nuqui, hepe ng NBI-Environmental Crime Division, natuklasan nila na walang permit mula sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang kompanyang nasa likod ng reclamation project.
Nangangamba si Nuqui sa epekto ng ginawang pagtatabon ng lupa sa lugar tulad sa peligro ng pagbaha dahil sa nawalang bahagi ng ilog.
Tumanggi muna ang NBI na pangalanan ang kompanyang nasa likod ng ilegal na reklamasyon habang patuloy ang imbestigasyon.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga inarestong trabahador.--FRJ, GMA News