Labing-dalawang mangingisda mula sa Catanduanes ang iniulat na nawawala sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong "Quinta," ayon National Disaster Risk Reduction and Management Council.
“About the 12 missing po in Catanduanes, we received info that these were fisherfolk po hailing from Barangay Pananogan, Bato; Barangayy Cagdarao, Panganiban; Barangay District 3, Gigmoto,” sabi ni NDRRMC spokesperson Mark Cashean Timbal nitong Lunes.
Nangangalap pa umano sila ng karagdagang impormasyon tungkol sa nangyari.
Samantala, pitong tao naman ang nasagip at isa ang nawawala matapos lumubog ang isang yate na Ocean Explorer III sa karagatang sakop ng Bauan sa Batangas.
Maliban sa mga naturang insidente, wala pa raw silang ibang natatanggap na ibang ulat tungkol sa mga nasaktan o nasawi dahil sa bagyo.
Pero ayon kay Timbal, may 2,475 pamilya o 9,235 katao mula sa Regions 4A (Calabarzon), 4B (Mimaropa), 5, at Cordillera Administrative Region ang naapektuhan ng bagyo.
Nagsagawa umano ngpreemptive evacuations at 1,503 pamilya o 5,704 katao ang nananatili ngayon sa 33 evacuation centers.
Mayroon din umanong 3,524 katao ang lumikas at piniling manatili muna sa kanilang mga kaanak.
Nakaranas din ng power interruption sa Quezon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Masbate, at Sorsogon.
Kinansela rin ang mga klase dahil sa masamang panahon.
Nitong 10 a.m., namataan si "Quinta" sa 125 km north of Coron, Palawan taglay ang pinakamalas na hangin na 125 km per hour at pagbugso ng hanggang 150 km/h, at kumikilos pa-westward sa bilis na 25 km/h.
Inaasahan ng PAGASA na lalabas ng Philippine area of responsibility si "Quinta" sa Martes ng umaga.
Samantala, isang low pressure area (LPA) din ang minomonitor ng PAGASA sa 1,920 km east ng Southern Luzon.
Posible umanong pumasok sa PAR ang LPA pero mahina ang tiyansang maging bagyo sa susunod na dalawang araw.—FRJ, GMA News