ILIGAN CITY - Huli sa drug buy-bust operation ang dalawang lalaking magkapatid sa Iligan City nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Robinson Lambequit at Angelo Lambequit na nahuli ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police sa Purok 1, Barangay Santiago bandang alas-kuwatro ng hapon.
Ayon kay Atty. Abdul Jamal Dimaporo ng NBI, matagal na nilang sinusubaybayan ang mga suspek ngunit sadyang madulas ang mga ito.
"Matagal na sila no. Itong kapatid niyang si Robinson, years na siyang nagbebenta. So it's so hard na ma-detect sila because of their place no, itong hirap. Tapos 'yung modus nila ay dito lang talaga sila nagpapaano sa mga bahay-bahay," ani Dimaporo.
Aminado si Robinson sa pagbebenta ng ilegal na droga. Aniya, nagawa lang daw niya ang pagbebenta nito dahil sa gipit umano siya. Habal-habal driver lang umano siya at may tatlong anak na binubuhay. Tumigil na sana siya dito pero nang dumating ang pandemya ay nawalan umano siya ng kita kaya bumalik siya sa pagbebenta.
Nakuha kay Robinson ang tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu, budol money at P500 na totoong pera.
Si Angelo naman ay napaiyak na lang sa kanyang kinahinatnan dahil nadamay umano siya sa kanyang kapatid. Inaalala umano niya ang kanyang tatlong anak, kung paano na ang mga ito ngayon.
Nakuha kay Angelo ang isang improvised tooter, isang medium-sized na pakete ng hinihinalang shabu, quarantine pass at iba't ibang mga paraphernalia.
Sinabi rin ng mga suspek na ang kanilang ina ay nakakulong pa rin sa Iligan City sa kasong ilegal na droga.
Nahaharap ang magkapatid sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA News