Ipinagbabawal na ang pagpapatugtog nang malakas tulad ng mga karaoke at videoke habang klase ng mga estudyante sa Malolos, Bulacan.
Sa "24 Oras News Alert" nitong Sabado, sinabing isinaad sa memorandum ng Sangguniang Panlungsod na bawal na ang pagpapatugtog nang malakas ng mga naturang kagamitan mula 7 a.m. hanggang 4 p.m., at mula 10 p.m. hanggang 7 a.m. mula Lunes hanggang Biyernes.
Inilabas ang alituntunin bilang pagsuporta sa mga mag-aaral na sumasailalim ngayon sa online o distance learning sa kanilang mga bahay ngayong may pandemya.
Pagmumultahin ang mga lalabag ng mula P500 hanggang P3,000. —LBG, GMA News