Hinangaan ngayon ang isang lalaking empleyado ng kapitolyo ng Camarines Norte matapos niyang ibalik ang natagpuan niyang bag na may halos P800,000 halaga ng mga alahas. Bilang pasasalamat, binigyan siya ng P20,000 na pabuya ng may-ari.

Sa ulat ng GMA News "Balitanghali" nitong Martes, ikinuwento ni Ener Rojo na nakita niya ang bag sa isang lotto outlet, at ipinagbigay alam niya agad ito sa mga awtoridad.

Nalaman ng mga awtoridad na nagkakahalaga pala ng halos P800,000 ng mga alahas ang bag.

Agad namang naibalik ang bag sa may-ari, na isang senior citizen.

Dahil sa kaniyang katapatan, binigyan si Rojo ng certificate of appreciation ng pulisya, at inabutan din siya ng P20,000 ng senior citizen na may-ari.--Jamil Santos/FRJ, GMA News